Regardless of the title and considering only the cast especially Coco Martina and Mercedes Cabral at Brillante Mendoza Movie pa, akala ko mangingilag na naman ang mga mata ko sa mga hindi matatawarang sex scenes. Pero sa totoo lang, nangilag pa rin ako sa pelikulang ito sa ibang dahilan- masyadong brutal ng mga pangyayari. Nakakatakot. Nakakakilabot. Pero hindi ‘to horror.

Ang istorya ng pelikulang ito ay umikot sa kwento ng isang beinte-anyos na lalake. Siya si Peping. Sa mura niyang gulang ay mayroon na siyang anak at katatapos lang niyang ikasal sa matagal na niyang kasintahan na si Cecille. Sa kabila ng pagiging pamilyado, kasalukuyan pa ring nag-aaral si Peping ng pagpupulis. Upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan, nagtatrabaho siya sa ilalim ng mga loan sharks, ito yung mga taong nagpapautang sa napakataas na interes, bilang kolektor ng mga utang. Si Abyong ang nagpasok sa kanya sa trabahong ito. Siya rin ang nagsama kay Peping sa isang operasyon sa utos na rin ni Sarge. Sa operasyon na ito niya nasaksihan ang pambubrutal kay Madonna, babaeng nagtatrabaho sa club, sa pamamagitan ng pananakit, panggagahasa at pagkatay matapos siyang hindi makapagbayad ng utang sa grupo ni Sarge at ni Kap. Noon ay parokyano niya si Kap ngunit hindi ito naging dahilan upang makaligtas siya sa brutal na paniningil ng mga ito. Ang grupo sa likod ng ganitong operasyon ay ang siyang laman ng mga balita na isang sindikatong kilala sa pagtadtad ng katawan ng isang tao saka itatapon ang bawat parte sa magkakaibang lugar.

Ang gagaling ng mga tauhang gumanap sa pelikulang ito. Napaka-natural ng arte nina Coco at Mercedes. Sa eksenang kasama na si Peping sa mga sindikato, kitang-kita ang takot niya sa bawat naririnig ng kanyang tainga at nakikita ng kanyang mga mata. Nakakatakot din ang karakter ni Sarge na ginampanan ni John Regala. Sa pagbitaw niya ng mga dayalogo at pagmumura, kahit ako mismo natatakot. Kakikitaan siya ng pagiging sadista! Ang brutal lang talaga ng ginawa niya kay Madonna. Masyadong napunit ang pagiging babae at tao niya sa ginawang iyon sa kanya. Si Isabel Lopez naman bilang Madonna ay kakaawaan mo talaga sa pelikulang ito. Ramdam ko ang takot at hirap na nangingibabaw sa kanya sa mga oras  na siya ay ginagahasa, pinapahirapan at tinatakot na patayin sa huli. Nakakaawa talaga. 

Kinatay. Literal na kinatay. Simula pa lang ng pelikula may pinapatay na at may nagpapakamatay. Hayop man o tao. Nakakapangilabot.

Cinematography. Makikita na namaximize ang paggamit ng iba’t ibang camera techniques – shots at angles. Mapapansin rin ang focusing. Hindi kailanman naging babad sa isang anggulo ang mga eksena.

Editing. Hindi naging dominante ang fade-effect transitions which is sobrang swak sa akin. Ang ikinadismaya ko lang ay ang sobrang tagal ng eksenang nasa sasakyan sila nabyahe papunta sa bahay kung saan nila isinasagawa ang operasyon. Para bang kasing-tagal talaga ng eksenang iyon ang oras ng byahe nila mula Maynila papuntang Bulacan! Parang hindi na tuloy totoo ang kakayahan ng pelikula na mag-distort ng time and space. Sobrang boring lang talaga ng eksenang iyon.

Mapapansin rin na madilim ang lighting na ginamit sa pelikula. Bukod dahil sa gabi ang eksena, para sa akin, ang dilim na ito ang sumisimbolo sa masamang ginagawa ng grupo. Sa isang banda, itong dilim rin na ito ang siyang nagkukubli sa mga kasamaang ito.

Maayos rin naman ang tunog at musika ng pelikula. Walang nakakadistract na background music. At nakakadagdag pa nga ito sa emosyon na nangingibabaw sa mga eksena.

Walang duda na umabot ang pelikulang ito ang Cannes Film Festival! Magagaling na artista, magandang istorya,  mahusay na sinematograpiya. Pero, anyare sa ending? Sa totoo lang, hindi ko talaga nagets. Ito na lang, siguro matapos lahat ng nasaksihan at naranasan ni Peping ng isang gabi, ang pamilya pa rin ang makapagpapagaan ng kanyang kalooban at makatutulong upang maging payapa ang kanyang isipan. [V]




Leave a Reply.