Ang pelikulang Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga ay kwento ng isang babae sa katauhan ni Curacha bilang isang torera. Corazon ang tunay niyang pangalan ngunit binansagan siyang “Curacha” ng kanyang mga kasamahan dahil sa galing nito sa pakikipagtalik sa live performance na kanyang pinagkakakitaan. Hindi niya ninais maging isang torera ngunit dito siya dinala ng tadhana sapagkat wala rin naman siyang pinag-aralan. Dagdag pa rito, ito na ang nakagisnan niyang paraan para kumita ng pera dahil ang kanyang mga kamag-anak ay sa pagtotorera din nabubuhay.

Si Rosanna Roces ang gumanap bilang Curacha. Para sa akin, bagay na bagay siya sa karakter. Sa kanyang katauhan, alam mong ganda lang ang meron siya. Magandang mukha at katawan. Wala siyang ka-class class kung magdeliver ng dialogue, na bumagay naman sa ginagampanan niya bilang wala siyang pinag-aralan. Kumbaga, laking kalye. Halatang-halata na napaka-inosente niya pwera na lang kung ang usapan ay may kinalaman sa bagay kapara ng kanyang trabaho na kung saan siya talaga ang henya!

Pagdating sa cinematography, wala akong masabi at sa aking palagay wala ako sa lugar para humusga dahil malabo ang kopya na pinanood ko. Hindi ko tuloy nakita o napansin kung may focusing na naganap sa mga eksena. Sa camera techniques, sobrang minimal lang ang paggamit dito. Pero gusto kong bigyang pansin ang aerial shot na ginamit noong makarating na ang taxi na sinasakyan ni Curacha sa kanyang trabahao. Isa pa, hindi naging madamot ang pelikula sa pabago-bagong anggulo sa isang eksena. Hindi nababad ang isang eksena sa iisang anggulo lamang. Hindi ko rin kinakitaan ang pelikula nang palagiang fade-to-black na transition effects na naging madanda sa aking paningin.

Hindi masyadong gumamit ng musika ang pelikula. Panay natural sound effects ang maririnig – ingay ng sasakyan, ingay ng mga tao, ingay sa kalsada, etc.  Ang nakakainis lang, sa ilang mga eksena, mas dominante pa ang background music kaysa sa mismong usapan. Lalo na yung tunog ng radyo na halos hindi na marinig at maintidihan ang usapan na dapat ay mas nabibigyang pansin.

Sa aspeto naman ng pag-iilaw. Mapapansing karamihan sa mga eksena ay laging madilim ang kuha. Para sa akin, ang madilim na pag-iilaw ay nangangahulugan ng madalim na pangyayari sa buhay ni Curacha. Ang dilim rin na ito ang mismong tumatakip sa mga bagay na kasiraan sa pagkatao at pagkakababae ni Curacha.

Mapapansin rin na sa simula ng pelikula, sinabayan ito ng pagdedeklara ng Martial Law sa Pilipinas na narinig sa radyo. Maya’t maya rin ay maririnig mula sa radyo ang mga balita at updates tungkol sa naturang pahayag ng Pangulo ng panahong iyon. Sa nalalapit na pagtatapos ng pelikula ay nagtapos rin ang Martial Law sa bansa sa pagdedeklara ng simula ng demokrasya. Kasunod nitong naganap ang pag-alis ni Myrna, matalik na kaibigan ni Curacha, papuntang probinsya lulan ng isang barko. Samantala, habang papauwi si Curacha pagkahatid sa kaibigan, ay inaawit ang Lupang Hinirang. Ang pagbubukas ng Martial Law ay sumisimbolo sa lahat ng pasakit at kasakiman na natikman ni Curacha. Samantala, ang pagdedeklara naman ng demokrasya ang siyang sumasalamin sa pagkakaroon ng pag-asa sa buhay niya. Ang Lupang Hinirang ay siya ring simbolo ng pag-asa kay Curacha na makawala sa dilim na kanyang pinanggalingan at pagbangon  mula sa lahat ng sakit at hirap na kagaya ng ginawa ni Myrna na magbabagong-buhay sa proinsya.

Sa kabuuan, hindi ako masyadong nadala ng pelikula. Siguro, hindi lang talaga pumapatok sa akin ang mga pelikula kung saan ang mga tauhan ay kailangan pang maghubad at ipakita ang buong kaluluwa para lamang maipahayag ang mensahe at kwento sa mga manonood. Pero dahil nga umiikot ang kwento sa isang torera, ano pa nga bang aasahan kundi ang mga ganitong bagay. 


Nga pala, walang pahinga si Curacha dahil hindi nababakante ang katawan niya sa pakikipagtalik dahil sa lahat ng problemang makaharap niya wala siyang ibang alam na solusyon kundi ang pagpapagamit ng kanyang pagkakababae. [V]



Leave a Reply.