Ang pelikulang Karnal ay nagsimula sa pagsasalaysay ng isang babae tungkol sa lugar na kinalakhan ng kanyang ina na kung tawagin ay Baryo Mulawin, at ang madrama at mapait na karanasan nito kasama ang iba pang mahal niya sa buhay at ilang taong pumapaligid sa kanilang pamilya.

Matapos ang tatlong taong pakikipagsapalaran sa Maynila, muling nagbalik sa Baryo Mulawin si Narsing kasama ang napangawasa nitong si Puring na tubong Maynila. Nagbalik ang lalaki hindi dahil sa pangungulila sa pamilya ngunit sa kadahilanang gusto nitong makuha na ang lupang ipamamana sa kanya ng kanyang ama, si Gusting, upang maibenta at maging puhunan sa itatayong negosyo sa Maynila. Ang negosyong ito ang magsisilbing pambawi ni Narsing sa lahat ng kamalasang naranasan niya sa lungsod.      

Nang ipakilala niya si Puring sa kanyang ama, ipinahayag ni Gusting ang malaking pagkakahawig ni Puring sa nasira nitong asawa. Namatay si Helena, asawa ni Gusting, matapos nitong magbigiti dala ng labis na kahihiyan matapos ilantad ni Gusting ang kanyang pakikiapid sa ibang mga lalake sa pamamagitan ng pagkaladkad nang nakahubad sa harap ng publiko. Mula ng pumanaw ito ay tila isang malaking bahagi rin ang namatay kay Gusting. Marahil pangugulila sa asawa ang nag-udyok dito na pagsamantalahan ang sariling manugang nang minsang ipasukat niya rito ang damit ni Helena para sa kanyang kaarawan.

Habang nagtatrabaho si Narsing sa kapitolyo, madalas naiiwan si Puring sa bahay kasama si Doray, kapatid na babae ni Narsing, gayong ayaw rin naman siya payagan ng asawa na lumabas mag-isa sa pag-aalalang baka pagnasahan lamang ito ng mga binate sa kanilang baryo. Sa dalas ng pagsasama nina Doray at Puring, marami silang napagkukuwentuhan na noon lamang nalalaman ng huli. Napag-alaman niya na dating kabesa ng baryo si Gusting na nang kalaunan ay kinamuhian ng lahat ng kanyang nasasakupan dahil sa panggigipit na ginawa nito kaya’t magpasa-hanggang ngayon ay nananatili ang hidwaan sa pagitan ng buong baryo at sa kanilang pamilya. Ibinahagi rin ni Doray kay Puring ang katotohanang hindi niya pa rin magawang mahalin si Menardo na pilit lamang ipinakasal sa kanya ng ama dahil ang tunay niyang minamahal ay ang dati nitong kasintahan na si Jose.

Ibang-iba ang kinalakhang lugar ni Puring sa Mulawin. Sa Maynila, masaya, maingay at magulo. Dahil sa pagbabawal sa kanya ni Narsing na lumabas nang hindi siya kasama, pakiwari niya’y isa siyang bilanggo na hinahanap-hanap ang Malaya niyang pamumuhay sa Maynila. Nang minsang hindi na niya kinaya ang pananatili sa looob ng bahay, nag-ayos at nagbihis siya na para bang papasok bilang dispatsadora na kanyang nakagawian. Sa kanyang paglabas, mas nakilala niyang husto si Goryo, isang pipi at bingi na inampon na ng baryo, na simula pa noong araw ng pagdating niya sa lugar ay tila may pagnanais na ito sa kanya. Sa kanya naramdaman ni Puring ang emosyonal na panganagailangan na hindi maibigay ni Narsing. Nagkaroon sila ng malalim na relasyon na naging usap-usapan sa buong baryo. Ngunit sa huli, nalaman ni Puring sa kanyang sarili na si Narsing pa rin ang kanyang mahal at ito ay kanyang sinabi kay Goryo nang puntahan niya ito sa kanyang kubo isang gabi.

Sa ginawa niyang ito, mas tumibay ang paniniwala ng buong baryo na mayoon talagang namamagitan sa kanila. Isinumbong ito ni Suling, isang taga-baryo na mayroong pagnanais kay Narsing, kay Gusting. Sa galit nito, tinungo niya, kasama si Doray, ang kinaroroonan ng dalawa. Kinaladkad niya si Puring mula sa kubo ni Goryo hanggang sa kanilang bahay at ipinamukha kay Narsing at sinasabing pagtataksil ng asawa niya sa kanya. Sa mukha ni Narsing, hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang ama kaya’t tinanong niya si Doray tungkol sa katotohanan. Nang pabulaanan ng kapatid ang sinasabi ng ama, sinugod ito Narsing at nagsimula silang magsakitan. Nang hindi na makabangon si Narsing, nilapitan siya ni Puring at sinabi ang noo’y panghahalay sa kanya ng ama. Nang marinig ito, nagkaroon ng lakas si Narsing at nagawa niyang pugutan ng ulo ang sariling ama.

Sa pangyayaring ito, si Puring ang naging tampulan ng sisi ng pamilya ni Gusting at ng buong baryo. Maging si Narsing ay isinusumpa siya sapagkat nang dahil sa kanya, nagawa niyang patayin ang sariling ama. Habang pinagbabayaran ni Narsing ang kasalanan sa kulungan, pinalayas ni Doray si Puring sa kanilang bahay. Sa mga oras na iyon, si Goryo ang naging sandigan ni Puring hanggang sa ito’y magbuntis. Sa nalalapit na pangaganak, pinuntahan nila si Aling Rosing, taga-baryo, upang tumulong sa pagpapaanak rito ngunit sila ay tinanggihan nito. Sa huli, si Goryo ang napilitang magpaanak rito. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, tila ang sanggol ay anak ng demonyo sa anyo nitong puro buhok at may ngipin na. Dahil alam ni Puring na walang simbahan ang tatanggap sa anak upang mapabinyagan at alam nito ang magiging kapalaran ng anak sa hinaharap, pinili niyang patayin ito sa pamamagitan ng pagbaon nito sa lupa nang buhay. Nang makarating ang balitang ito kay Narsing, tumakas siya sa bilangguan at pinuntahan si Puring. Pumunta siya sa asawa nang may galit ngunit nang magkita ay mas nanaig pa rin ang pagmamahal nito sa kanya. Magkasama silang tumakas mula sa mga humahabol na mga pulis ngunit hindi sila nagtagumpay. Habang kinakaladkad ng pulis sakay ng kabayo si Narsing patungong bilangguan, walang magawa si Puring kundi ang pagmasdan ang paghihirap niya habang umiiyak. Pagdating sa kulungan, kinitil ni Narsing ang sarili nitong buhay.

Ang pangyayaring ito ang muling nagbuklod kina Puring at Doray. Ngunit hindi rin ito nagtagal nang pumunta ang una sa Maynila upang dalawin ang bangkay ni Narsing. Hindi nagawang sumama ni Puring nang araw na iyon dahil siya ay may karamdaman. Hindi rin pinayagan ni Doray na samahan siya ng kanyang asawa. Iyon na rin ang huli nilang pagkikita sa isa’t isa dahil hindi na kailanman bumalik pa si Doray sa Mulawin. Matapos ang paglilibing kay Narsing, muling nagsama sina Doray at Jose. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan at ang kanilang anak ay ang tagapagsalaysay ng buong istorya. Hindi rin nagtagal, nilisan na rin ni Puring ang Mulawin at kailanma’y hindi na rin bumalik. May ilang nagsasabi na bumalik na ito sa pagiging dispatasadora sa Maynila at kung minsa’y masahol pa raw doon dahil sa pakikipaglandian raw nito umano sa mga Amerikano. Sabi naman ng iba ay nagmadre raw ito upang pagsisihan ang mga nagawang kasalanan sa buhay. Ngunit kailanma’y hindi na muling nagtagpo ang kanilang mga landas.

Ano ang una mong maiisip kapag narinig mo ang salitang ‘pag-ibig’? Masaya, makulay, maganda sa pakiramdam, parang nasa langit, pinakadakila sa lahat. Hindi ba’t ang mga positibong bagay ang una mong maiisip sa tuwing maririnig ang salitang ito? Ngunit, ang katotohanan, hindi lahat ng may kinalaman sa pag-ibig ay positibo. Masasabi pa rin bang pinakadakila ito sa kung ano pa man kung ang naibibigay nito ay puro dumi at pasakit?

Sa aking pagkakaunawa sa pelikulang Karnal, umikot ang kwento nito sa pag-ibig. Sa dumi at pasakit na dala ng pag-ibig. Bawat tauhan sa pelikulang ito ay gumagawa ng aksyon batay sa pagkakaunawa nila sa salitang ito. Ngunit sa kasamaang-palad, puro kabaligtaran ng mga positibong bagay ang nagiging epekto ng kanilang mga aksyon. Una, nang dahil sa pagmamahal ni Narsing sa kanyang asawa,, nagagawa niya itong saktan at bugbugin sa tuwing paghihinalaan niya itong may ibang kinakasama. Para sa kanya, pagmamay-ari niya si Puring at walang sinuman ang maaring umangkin rito bukod sa kanya. At ang pinakamaduming nangyari nang dahil sa pag-ibig niya kay Puring, nagawa niyang patayin ang sariling ama. Pangalawa, dahil alam ni Puring na papasakitan lamang ng kapwa ang kanyang anak sa paglaki nito dahil sa kakaibang anyo nito, pinili niyang patayin ang anak upang hindi na kailanman pa nito maranasan ang pangungutya ng kapwa nito sa hinaharap. Pangatlo, mahal na mahal ni Gusting si Helena kung kaya’t ayaw nito na mayroong ibang lalaki ang makakakita rito kaya naman ikinukulong niya ito sa bahay. Nang dahil din sa selos na dala pag-ibig, nagawa nitong pasakitan ang asawa nang magsimula itong lumabas ng bahay at mapabalitang umano’y nakiki-apid sa ibang lalake. At isa pa, nang dahil sa pangungulila at pagmamahal sa asawa, nagawa nitong halayin ang sariling manugang dahil nakikita niya rito ang yumaong minamahal. Pang-apat, si Doray, nang dahil sa pag-ibig sa ama ay sinunod niya itong pakasalan si Menardo kahit pa mapagkaitan siya pagkakataon na maging sila ng tunay na minamahal na si Jose sa mahabang panahon. Pang-lima, nang dahil sa hindi mapigilang pag-ibig ni Goryo kay Puring, nagawa nitong magkaroon ng malalim na relasyon sa kanya sa kabila ng pagkakaroon na nito ng asawa at sa kabila ng kaalaman niyang maaarig mapahamak si Puring. Pang-anim, dahil sa pagnanais ni Suling sa pagmamahal ni Narsing, nagawa niyang paghinalaan si Puring sa paggawa ng masama laban sa asawa.

Para sa akin, ang Karnal ay sumesentro sa kwento ni Puring na minsang nakagawa ng kasalanan nang dahil sa pag-ibig sa puntong pinatay niya ang kanyang anak; na minsan ding naging dahilan ng kasalanan sa ngalan ng pag-ibig nang pinatay ni Narsing ang sariling ama; at minsan ding napaggawaan ng dumi at pasakit nang dahil sa pag-ibig nang halayin siya ni Gusting dala ng pangungulila at pagmamahal nito sa namayapang asawa.

Isa pang tema na namutawi rin sa kabuuan ng pelikulang ito ay ang literal na pagiging karnal ng mga tauhan. Bawat isa sa kanila ay mayroong makamundong pagnanasa sa kaloob-looban ng isang indibidwal, kapangyarihan, salapi, ari-arian at iba pa na nagdudulot ng pagkasira ng pagkatao at pagkasira ng relasyon ng isang tao sa kapwa. At ang pag-alinsunod sa tawag ng mga ganitong uri ng pagnanasa ay nangangahulugang pagtaliwas sa ating paniniwala sa Diyos. Ang temang ito ng pelikula ang siyang sumasalamin sa iba’t ibang makasariling pagnanasa ng mga tao sa ating lipunan sa ngayon. Inaakala ng marami sa atin na kapag napagbiyan ang ating mga nasa ay mapupunta sila sa rurok ng tagumpay at kasiyahan. Ngunit ang totoo, sapagka’t ang mga pagnanasang ito ay dulot ng kasamaan at pansariling-interes lamang, ang pagkamit sa ating mga kagustuhan ay magwawakas din sa kasamaan. Sa halip na mapabuti, lalo pang lumalala ang sitwasyon ng ating lipunan dahil sa napakaraming makasariling nilalang.

Bukod sa screenplay o istorya at tema, isa pang elemento ng pelikula ang mga karakter o ang mga taong nagsiganap sa pelikula. Si Philip Salvador ay maayos na naisabuhay si Narsing. Kitang-kita ang pagiging sadista niya sa tuwing bubugbugin niya si Puring pagkatapos ay hahalikan na para bang walang nangyari. Pero sa eksenang iniiyakan niya ang pinaglibingan ng ama, medyo nakulangan lang ako sa emosyon niya roon. Hindi ko masyadong naramdaman ang sakit ng eksenang iyon. Si Cecille Castillo bilang Puring ay naging maayos din naman ang naging pag-arte. Naipakita niya sa kanyang pagkilos at pagsasalita ang kaibahan niya sa mga kababaihan sa baryo Mulawin bilang tubong-Maynila siya. Makikita rin sa kanyang pagkilos at pananamit ang pagka-liberated niya. Makikita naman sa pag-arte ni Grace Amilbangsa bilang Doray ang pagiging inferior sa kanyang ama sa pamamagitan ng kiming pagkilos at madalas na hindi pag-vovoice out ng nararamdaman. Nagkaroon lamang siya ng lakas ng loob na maging totoo sa sarili at sa mga taong nakapaligd sa kanya nang pumanaw na ang kanyang ama. Si Si Joel Torre bilang Goryo na bagama’t pipi at bingi ay nagawag ipahayag kay Puring ang kanyang pagmamahal dito sa pamamagitan ng kanyang mga matang nangungusap. Dagdag na lamang rito ang mga ginagawa niyang pagtulong at pagmamalasakit sa kanya lalo na noong mga panahong nasa kulugan si Narsing. Si Gusting ay nabigyang-buhay ni Vic Silayan. Napanindigan niya ang katangian ng tauhang kanyang ginagampanan bilang isang dominanteng haligi ng tahanan. Ika nga, siya ang naging Diyos sa loob ng kanilang tahanan. Nangungusap rin ang kanyang mga mata kahit pa walang dayalogo ang lumalabasa sa kanyang mga labi sa tuwing may eksena silang dalawa ni Puring na tila ba siya ay mayroong pagnanasa. At sa eksenang hinahalay na niya ito ay kitang-kita sa kanyang kilos at ekspresyon ng mukha ang hindi mapigilang pagnanasa niya sa manugang. Ang mga karakter na pang-suporta naman gaya nina Crispin Medina bilang Menardo, Joonee Gamboa bilang Mang Pekto, Rolando Tinio bilang Mang Bino, Ella Luansing bilang Suling at Vangie Labalan bilang Aling Rosing ay nasa tamang timpla lang ang naging pag-arte. Hindi sila naging agaw-pansin at hindi nila nahigitan ang mga karakter ng mga pangunahing tauhan na dapat lamang talagang taglayin bilang karakter na pang-suporta.

Isang malaking bahagi ang ginagampanan ng editing sa story at character developments ng pelikula. Para sa akin, sa aspetong ito, matagumpay naman na naiparating ng mga editors ang pagbabago ng mga karate at pag-usad ng istorya sa pamamagitan ng pagtatagpi-tagpi nila ng mga eksena at ang pagkakasunud-sunod ng mga ito. Ang hindi ko lang nagustuhan at ang itinuturing kong weak attempts sa editing ng pelikulang ito ay ang paggamit ng napakaraming fade-to-white transitions. Para sa’kin kasi mas cinematic ang isang pelikula kung mas minimal ang paggamit ng mga special effects na transitions kasi kung ganoon, para lang siyang nagiging slideshow. Mas epektib sa’kin kung ‘cut-shoot’ lang ang nangyayari o yung mismong ‘cut’ ang nagsisilbing transition. Isa pa, sa eksenang pagbaba nina Narsing at Puring mula sa kalesa at naglakad patungo sa bahay ng lalake, nabagalan ako sa phasing. Masyadong matagal yaong paglalakad nila na naging boring na yaong eksena para sa’kin. Hindi rin ako nagandahan sa maraming beses na pagsulpot ng tagapagsalaysay in-between scenes na madalas ay tumatagal lamang ng mga tatlong segundo. Oo nga’t hindi lamang siya tagapagsalaysay dahil may malalim siyang koneksyon sa mga tauhang ikinukwento niya, pero parang naging inappropriate na yung bigla na lang isisingit sa bawat eksena ang sarili niyang eksena gayong wala naman siyang dayalogo. Para bang suma-side comment lang siya sa mga nangyayari sa tuwing lilitaw siya sa eksena. Isa pa, ang boring lang ng OBB nito. Sawang-sawa na kasi ako sa stereotypic na “Toot Cinema presents *Pangalan ng mga Tauhan* in *Title ng Pelikula*”. Mas maganda sana na OBB pa lang, may istorya na. Ewan ko, hindi pa ata kasi uso yung mga ganoon noong mga panahong ginawa ang pelikulang ito.

Pagdating naman sa sinematograpiya, na-maximize naman ni Manolo Abaya, DOP, ang paggamit ng iba’t ibang shots at movements. Unang-una na dito ang paggamit ang aerial shot sa una at huling bahagi ng pelikula na kung saan parehong umaandar na kalesa ang subject na sa unang bahagi ng pelikula ay lulan sina Narsing at Puring patungong Baryo Mulawin at sa huling bahagi ng pelikula ay lulan pa rin si Puring sa kanya namang paglisan sa parehong baryo. Gumamit rin ng mga wide shots, cut-in, close-up shot, over-the-shoulder shot at point-of-view shot. Sa camera movements naman, madalas ang paggamit ng panning at dolly shot. Gayon din ang zooming lalo na sa eksenang iniiyakan ni Narsing ang libingan ng ama. Ang hinahanap ko lang ay yung focusing ng main subject sa bawat framing. Hindi ko alam kung malabo lang yaong copy na pinanood ko or hindi talaga gumamit ang pelikula ng camera focus kung saan malinaw ang foreground (subject) at malabo ang background.

Ang musikang ginamit sa pelikula ay tugma sa bawat eksenang pinglalapatan nito. Napansin kong madalas gamitin ang musika sa mga malulungkot at madamdaming eksena. Samakatuwid, nakadagdag ito sa emosyong nais ipadama ng pelikula sa mga manonood gayong ang ibang eksena ay hindi gumagamit ng mga dayalogo kung kaya’t musika at ekspresyon ng mukha lamang ang tanging pinanggagalingan ng damdamin ng ilang eksena.

Kahanga-hanga din ang disenyong pamproduksyon ng pelikula. Sa pamamagitan ng mismong location/set, mga kasuotan at mga props, tila ba nadala ako ng pelikulang ito sa mundong na noong unang panahon lamang umiral. Sa tulong ng mga elementong ito, napasok ko at naranasan ang kulturang mayroon ang mga tao noong sinaunang panahon. Si Puring, mapapansing lagi siyang nakaputing damit, kung hindi man, mapusyaw na kulay ang makikita sa kanyang kasuotan. Para sa’kin ito ang sumisimbolo sa kadalisayanan niya bilang isang babae na tapat na umiibig na walang ibang hangad kundi mahalin ng taong mahal niya at mahalin din ng mga taong nagmamahal sa taong mahal niya. Nagsimula lang siyang magsuot ng itim na damit noong nagluluksa siya sa pagkamatay ng ama ni Narsing. Ito ngayon ang sumisimbolo sa nasirang pagkatao niya matapos siyang halayin at malagay sa kahihiyan sa kamay ng kanyang biyenan at sa iba pang pasakit na naranasan niya sa puder ng taong minamahal niya. Sa eksenang papatayin na ni Puring ang kanyang sariling anak kung saan maraming apoy ang nasa paligid, maaring ang mga apoy na ito ay sumisimbolo sa init ng pagmamahal ni Puring sa sanggol na kaya lamang niya nagawa ang bagay na iyon ay upang itakas ang anak sa mga pasakit na maaari nitong harapin sa kanyang paglaki. Maaari rin namang sumimbolo ito sa hapdi, kapara ng pagkakapaso ng balat sa apoy, na maaaring danasin ng bata sa hinaharap sa kamay ng mapang-husgang mga tao sa kanyang paligid. Ang kalesa naman na nakita natin sa una at huling mga bahagi ng pelikula ay sumisimbolo sa pag-asa. Sa unang bahagi, ang kalesa ang simbolo ng pag-asa para kina Narsing at Puring mula sa pagkakalubog sa Maynila. Ito ang naghatid sa mag-asawa sa lugar na inakala nilang magbabangon muli sa kanila mula sa pagkakadaop sa lupa. Sa huling bahagi, ang kalesa ang siyang nagsilbing pag-asa para kay Puring upang makawala sa pagkakakulong niya sa lugar kung saan niya naranasan ang iba’t ibang pasakit na dala ng pag-ibig. Ang kalesang ito ang siyang naghatid sa kanya papunta sa lugar na kanyang pinanggalingan na pinaniniwalaan niyang siyang magsisilbing lugar para sa pagbabagong-buhay niya.

Pagdating naman sa lighting, mapapansin na karamihan sa mga eksena ay madilim. Sa tuwing ang lokasyon ng eksena ay sa labas ng bahay nina Narsing, makikitang maaliwalas ang paligid. Makulay, kung tutuusin. Ito ang sumisimbolo sa kalayaan ng isang tao at sa pag-asang mayroon siya sa tuwing malayang nakagagalaw mula sa pagkakakulong sa mga nasa ng mga taong pumapaligid sa kanya. Samantalang kapag nasa loob ng bahay, sa kwarto, sa kusina, sa beranda, laging madilim ang kuha at tila mayroon lamang iisang hibla ng liwanag. Ang liwanag na ito marahil ang sumisimbolo sa pag-ibig na mayroon ang bawat tauhan na iniaalay niya sa kapwa tauhan. Ang dilim naman ang sumisimbolo sa mga dumi at pasakit na dala ng pag-ibig na ito. Makikitang mas dominante ang porsyon ng dilim kaysa sa liwanag. Ipinahihiwatig lamang nito ang pagiging dominante ng makamundong pagnanasa ng isang tao at ang kasamaan na dulot ng mga pansariling-kagustuhan ng isang indibidwal. Ang dilim rin na ito ay siyang sumisimbolo sa pagkakakulong ng isang tao sa mga pansariling-interes ng iba. 

Sa kabuuan, nais iparating ng pelikula na hindi lamang mga positibong bagay ang dulot ng pag-ibig. Puro pasakit at dumi ang dala nito lalo pa’t kaakibat ng pag-ibig ang makamundong pagnanasa ng isang tao sa lahat ng kasakiman. Inilalarawan lamang ng pelikula ang mga katotohanang pangyayari sa ating lipunan na kinabibilangan ng maraming sakim at hayok sa sariling interes. Ang mga taong walang ibang inisip kundi ang ikabubuti lamang nila at hindi ng buong lipunan o maging ng mga taong nakapaligid sa kanila ang siyang sumisira sa kagandahan at kaayusan ng isang sistema. Ipinahihiwatig din sa pelikula na hangga’t may mga taong makasarili, mananatiling nasa negatibong sitwasyon ang ating lipunan.  [V]




Leave a Reply.